Tuesday, December 3, 2013





Alamat ng SAGING

Sa lugar ng Mahiwaga, kung saan naninirahan ang pamilya ni Paging, isang mabait at mapagmahal na asawa ni Saly. Sila ang bagong kasal na walang ibang hinahangad kundi ang katahimikan ng buong baryo na kanilang nilipatan. Isang araw, ng pauwi na si Paging sa kanilang bahay sa Mahiwaga, naabotan niya ang kanyang asawa na si Saly na nakikipag away sa kanilang kapitbahay. “huwag ninyo kaming gawing dahilan!” narinig niyang sigaw ni Saly sa kaaway nito. Simula ng lumipat sila sa baryong ito, naging parang tinik na sila sa mga taong naninirahan dito. Hindi malaman ni Paging kung anong ikinagagalit ng mga taga Mahiwaga sa kanila ng kanyang asawa. Panghuhusga, panglalait at kahit ano pa ang natanggap nilang mag-asawa simula nong unang araw pa lang nila dito. “malas kayong mag-asawa! Simula ng dumating kayo dito, hindi na tumubo ang lahat na mga pananim namin dito! Lahat na mga halaman na tanging pinagkikitaan ng aming mga pamilya.”- narinig niyang sabi ng kanyang kapitbahay. Sila pala ng kanyang asawang si Saly ang ginawang dahilan ng pagkamatay ng mga halaman at puno na hindi naman dapat. 



Noong araw na lumipat sila rito, ay siya ring araw na humampas ang napakalakas na bagyo at lahat ng mga pananim ay ni kahit isa walang naka ligtas. “mga walang hiya! Tayo pa ngayon ang gagawin nilang dahilan kung bakit hindi na ulit tumubo ang mga halaman nila? Alangan namang tayo ang magtatanim para sa kanila? Kung ang pinagtsitsimisan lang sana nila araw-araw ay sana inilaan nila sa pagtatanim sa mga namatay nilang halaman at puno, eh di sana nakapagbunga na ‘yong puno na sana natanim na nila noon pa!”- galit pa ring na sabi ni Saly. “tama na nga. Hayaan mo na lang sila kasi.” – malumanay na sagot ni Paging. Hindi talaga mahilig si Paging sa kahit anong away. Tanging ang mga kapitbahay lang nila ang mahilig nito. Umakyat saglit si Paging sa kanilang kwarto para magbihis muna saglit.“Kuma-----.. “tok.tok.tok”. Hindi naituloy ni Paging ang gusto niyang itanong kay Saly kung nakakain na ba ito ng may bigla na lang kumatok sa kanilang pintuan, “Tulong. Tulong. Tulongan niyo ako.” –nanlaki ang kanilang mata ng bigla nilang marinig ang tinig ng isang matandang babae na humihingi ng tulong. “buksan mo Paging”- utos ni Saly na may kunting takot sa sarili. Napaisip naman si Paging, dahil kahit kailanman, wala ni isa sa kanyang mga kapitbahay ang yumapak sa kanilang bakuran. “tulongan ninyo akooooo.” Muli ay narinig naman nila ang tinig ng matanda. 




Malapit na sa pinto si Paging ng bigla nalang itong bumukas ng kusa at tumambad sa kanilang harapan ang isa ngang matandang babae na animoy parang isang linggong hindi nakakain at nakakainom. “lola! Ano hong nangyari sa inyo? May humahabol ho ba sa inyo? Sa’n ho ba kayo galing? Wala ho ba kayong kasama?” –sunod-sunod na tanong ni Paging sa matanda. “ Ano ka ba Paging, kita mong nahihirapan na yang matanda, ang dami mo pang tinatanong. Bakit hindi mo muna yan papasokin at painomin mo muna ng tubig bago ka magtatanong ng kung ano-anu diyan.” – agad namang tumayo si Saly at tinulongan nilang alalayan ang matanda patungo sa sala, at ng maka upo na ang matanda, agad namang nagtungo si Saly sa kusina para kumuha ng tubig at pagkain para sa matanda. Sadyang mabait ang mag-asawang Paging at Saly bago paman sila lumipat sa Mahiwaga. Walang ibang pinagdarasal si Saly sa tuwing nagsisimba siya, kundi ang sana maiba na ang pakikitungo ng mga taga Mahiwaga sa kanila. Nang makabalik na si Saly sa sala kung saan naka-upo ang matanda, iniabot agad ni Saly ang tubig at pagkain na agad namang kinuha at kinain ng matanda, na halatang gutom na gutom talaga. “sa---la—mat iha”- kahit puno ang bibig ay nakuha pa ring magpasalamat ng matanda. “ngayon ko ho lang kayo nakita sa lugar ito ah. Taga rito ho ba kayo? Baka hindi ko lang kasi kayo napansin.” – tanong ni Paging habang tinitingnan ang matanda na kumakain. “hindi. Bumibisita lang. bumibisita ako sa iba’t-ibang lugar. May hinahanap kasi ako”. “ano ho ang hinahanap niyo? Baka pwede makatulong kami”-tanong ni Paging. “hindi “ano” iho, kundi “sino”. naghahanap ako ng mga taong mabubusilak ang puso, at dito sa kubong ito ko natagpuan.” – sa pagkasabi no’n ng matanda, bumuo ang isang katanongan sa isip ni Paging. “ano hong ibig niyong sabihin lola?” “bago ako napunta dito sa bahay niyo, nanggaling ako sa lahat ng kapitbahay niyo. Isa-isa ko silang binisita at humingi ng tulong sa kanila para humingi ng tubig at ako’y nauuhaw. Pero ni kahit isa sa kanila ay walang nagtangkang tumulong sa akin, bagkos ako pa’y kanilang ipinagtabuyan.” Nananatiling tahimik ang mag asawa at naghihintay sa susunod na sasabihin ng matanda. “ako’y nagagalak ng ako’y humingi ng tulong ay pinagbuksan niyo ako ng pintuan, pinatuloy, pinakain at pinainom ng walang pag-aalinlangan. Salamat sa inyong tulong.” “walang ano man ho. Kami ay nasisiyahan at kahit samaliit na paraan kami ay nakatulong sa isang katulad ninyong nangangailan ng tulong.”-  nakangiting sagot ni Saly sa matanda. “ at dahil sa kabutihan niyong ipinakita, may ibibigay ako sa inyo”- at iniabot ng matanda ang isang maliit na buto mula sa kanyang bulsa. “anong klaseng buto ho ito lola? Sa anong halaman nanggaling ito? Ngayon lang kasi ako nakakakita ng ganitong buto.” – tanong ni Saly habang tinititigan ang butong hawak niya. “ordinaryong buto lang iyan iha. Kung ano ang itinanim mo, siya ring aanihin mo.” – makabulohang sagot ng matanda at agad na tumayo. “salamat sa tulong ninyong mag-asawa. Ako ay aalis na at malayo pa ang aking pupuntahan.” Lumakad na ito palabas. “teka ho! Ano hong gagawin namin dito sa ibi------” hindi naituloy ni Saly ang kanyang sasabihin ng may biglang sinabi ulit ang matanda “tandaan niyo, kung anong itinanim niyo, siya ring aanihin niyo.” At tuloyan na nga itong lumabas ng bahay. Hindi agad nakatulog si Paging nong gabing iyon, nanatiling palaisipan sa kanya ang sinabi ng matandang babae kanina hinggil sa butong ibinigay nito. “ba’t hindi ka pa natutulog?” – tanong ni Saly kay Paging ng mapansing ito rin ay hindi pa natutulog tulad niya. “hindi ko lang alam kung ano ba talaga ang gustong ipa-rating ng matandang iyon sa atin.” “Ako nga rin eh. Hindi rin makatulog sa sinabi niya tungkol sa butong kanyang ibinigay.” -sabay yakap kay Paging. “matulog na nga lang tayo. Marami pa akong gagawin bukas.”Kinabukasan, maagang nag hanap ng patay na kahoy si Paging para gawing panggatong na gagamitin para makaluto ng umagahan. “Paging, ano kaya kung aalis na lang tayo sa baryong ito. Tingnan mo oh, lahat ng mata ng mga kapitbahay natin parang gusto na tayong kainin ng buhay.” “naisip ko na nga rin yan Sal. Siguro nga mas makakabuti sa ating lahat kung tayo na lang ang aalis, total tayo rin naman ang hindi nila gusto.”- sagot naman ni Paging habang hinahanap ang kanyang itak na gagamitin sa pagputol ng mga kahoy. “paki bilhan mo nga ako ng asin Paging, pangsawsaw ko sa mangga.” Habang kinukuha ang barya sa bulsa, nasali sa pagkuha ang buto na ibinigay ng matanda sa kanila. “Paging tingnan mo, yong butong ibinigay ng matanda sa atin oh!”-nakangiting sabi ni Saly sabay abot kay Paging. “ oo nga ano. Akin na at itatanim natin.” “kailan mo balak lisanin natin tong lugar na ito Paging?”-tanong ni Saly habang si Paging ay abala sa paghuhukay ng  lupa para pagtamnan nila ng buto. “ sa susunod na linggo Saly. Pero bago tayo umalis, makipag-ayos muna tayo sa mga kapitbahay natin. Kahit wala tayong kasalanan,  hihingi tayo ng tawad sakanila.”“o sige kung yan ang gusto mo.”- sabay yakap kay Paging. “ayan na! tapos na. anong klaseng halaman kaya ang itutubo nito Saly?” “abay malay ko! Masasagot lang ang tanong nating yan kapag tumubo na yan.” Diniligan ni Saly ang ang lupang kanilang pinagtaniman ng buto. Matapos diligan ay sabay na silang pumasok sa kanilang kubo. Kinagabihan, habang hinihintay ni Saly ang nilulutong kanin sa kusina ay pinuntahan muna niya si Paging sa kanilang kwarto na natutulog dala ng pagod sa buong araw na paglilinis sa kanilang bakuran. Humiga sa gilid ng kanyang asawa si Saly habang hininintay na maluto ang kanin na kanyang sinaing. Hindi niya namalayan na sa kanyang pagkakahiga ay tuloyan siyang nakatulog. Namalayan nalang niya na nagsisigaw sa lakas ang kanyang asawa na naging dahilan ng pagkabangon niya ng ‘di oras ng maramdaman niya ang sobrang init sa kanilang paligid. Naisip agad niya ang sinasaing niyang kanin. “Saly bangon! Nasusunog ang bahay natin! sunog! Sunog! Tulongan niyo kamiiiiiii. tuloooooong!” madaling nakain ng apoy ang kanilang bahay sapagkat ito’y gawa lang ng kahoy at tuyong anahaw. “Paging,saan tayo lalabas? Napaka-init na ng buong paligid. Pagiiiing” tuloyan ng umiyak si Saly. Si Paging naman ay sinusubokang sipain ang kanilang dingding at nagbabasakaling maka-daan sila doon. Sa kasamaang palad, nawalan na ng lakas si Paging dulot na rin sa usok na kanilang na-aamoy. “Saly patawad, hindi man lang kita mailabas dito. Patawad. Mahal na mahal kita asawa ko.” At tuloyan na ngang nawalan ng malay siPaging at unit-unting bumagsak sa sahig. Si Saly naman ang nag-iiyak dahil sa nakita niyang paghihina ng kanyang asawa, at pati siya ay unti-unti na ring nawawalan na ng lakas. “Paging, mahal na maha----- kita”- sabay yakap at halik sa kanyang asawa bago tuloyang lamunin ng apoy ang buong bahay nila.Sabay sa nasunog ang mababait na mag-asawang Saly at Paging. 




Walang ibang hiniling ang mag-asawa simula ng makalipat sila rito ay maginhawang buhay kasama ang magiging anak nila at magkaroon ng magandang pakikitungo sa mga taong taga rito. Pero ang lahat ng ito’y hindi nagkatotoo, datapwat kabaliktaran ng kanilang pangarap ang kanilang naging buhay dito. Matapos ang pangyayaring iyon, naging usap-usapan na sa kanilang baryo ang nangyari. “nakakaawa naman ang mag-asawang iyon, kahit parang hindi natin sila matanggap dito sa lugar natin, pero kahit papano naging mabait at magalang naman sila sa atin diba mare?”-anyang isang babaeng kapitbahay ng mag-asawang Paging at Saly. “uo nga. Isa pa, wala rin din naman talaga silang kasalan sa atin. Hindi naman nila kasalanan ang bagyong dumating nong araw na lumipat sila dito diba?” – sagot naman ng isang babae habang naka tingin sa dating bahay ng mag-asawa na ngayon ay abo nalang. Dumaan ang ilang araw mula nong nasunog ang mag-asawa ay may naka pansin na taga roon na isang halaman na tumubo mismo sa dating bahay ng mag-asawang Paging at Saly. “ hali kayo! Bilisan ninyo. Kakaiba talaga ito! Sa bahay dati nila Paging. Magmadali kayo mga kapitbahay!” nagsipag takbohan ang lahat ng tao sa Mahiwaga papunta sa dating bahay nila Paging. At ng makarating sila sa mismong bahay nito, lahat ay namangha sa nakita. Isang halaman na ngayon lang nakita ng mga taga Mahiwaga. Wala ni kahit isa man sa naroon ang nakaka alam sa pangalan ng naturang halaman. “tingnan ninyo, may bunga. Baka pwedeng kainin ‘yan.” -anya sa isang taong nandon. “baka naman nakakalason ‘yan.” –sagot naman ng isa na natatakot na lumapit sa mismong halaman. “hindi nakakalason ‘yan.” –sabi ng isang matandang babae. Sabay lumingon ang lahat sa pinanggagalingan ng boses ng matanda. “hindi nakakalason ang halamang iyan, bagkos ito pa’y nakakabuti sa katawan.” –habang nagsasalita ay naglalakad patungo sa halaman ang matanda at pumitas ng isang bunga at kinain ito. Lahat ay naghihintay sa magiging reaksyon ng matanda. “masarap. Ba’t hindi niyo subokan?” –pagkasabi no’n ay ang lahat nag unahan sa pagkuha. “kakaiba ang halamang kanilang napatubo, may puso. Hindi nakapagtataka, dahil mismo ang nagtanim nito ay may malalaking puso rin.”- bulong ng matandang babae na mismong nagbigay ng buto sa mag-asawang nagtanim ng halamang tumubo na ngayon ay pinakikinabangan ng buong Mahiwaga. At tuloyan ng nilisan ng matanda ang lugar. “Sali at Paging ang itatawag natin sa halamang ito simula ngayon.” “napakabait talaga nila, sa kabila ng ginawa natin sa kanila noong nabubuhay pa sila, ay may ibinilin pa rin silang napakasarap na halaman para sa ating lahat.” “katulad nila, may puso rin ang halamang nito.” – mga komento ng lahat ng taong nandoon sa pagtitipon. Nang tumagal ay pina-ikli nila ang pangalan ng halaman, at ginawa nilang “SAGING”, pina-ikli sa pangalang “Sali at Paging” na ang ibig sabihin ay mga taong pinagmulan ng halamang may puso.




1 comment:

  1. hai maaaam.. :) sorry jd kaau sa laaaaaaaaaaate kaayo nga project mam ha?:( thankyou sa pagdawat mam..

    ReplyDelete